MGA NILALANG SA LENTE NG POPULAR MEDIA: ISANG MAIKLING PAGSASALIKSIK

 

Hindi na mabilang marahil kung ilang beses naging tampok sa mga pelikula, libro at comics ang mga nilalang na dati pa ay naghatid na ng kilabot sa atin: mga Engkanto, Tikbalang, Tiyanak at Pugot. Dati ay laman lang sila ng mga kuwento ng matatanda bilag panakot sa mga batang gustong maglaro sa kabilugan ng buwan. Pero ngayon sa tulong ng popular media ay nagiging ‘relevant’ pa rin ang mga ito at nananatiling parte ng kamalayan ng mga Pilipino.

Ngunit tulad marahil ng mga kwento na kapag pinagpasa-pasahan ay nagkakaroon ng posibilidad na mabago ang konteksto at pagkakilalan, ang mga nilalang na noon pa ma’y parte ng kultura ng ating mga ninuno ay maari ding magkaroon ng pagbabago sa kanilang deskripsyon at imahe sa pagtagal ng panahon. Minsan mapapaisip ka rin kung ang napapanood mo sa telebisyon na matandang babaeng may hawak na manika at karayom na tinatawag nilang Mangkukulam ay katulad din kaya sa konsepto ng Mangkukulam ng ating mga ninuno? O hindi kaya ang tinatawag nilang ‘Pugot’ ay hindi lang pala isang ligaw na aparisyon ng isang prayleng walang ulo kung hindi isa palang nilalang na may kakayang mag-shapesift o magpalit-anyo?

Kilala ba nga natin ng lubusan ang mga nilalang na ito na malaking papel ang ginagampanan sa atin bilang mga Pilipino?

Image Source: Siaron James (Flickr.com)
License: https://creativecommons.org/licenses/by/2.0/

ANG MANGKUKULAM SA POPULAR MEDIA VS. ANG MANGKUKULAM NG MITOLOHIYANG PILIPINO

Pamilyar na tayong lahat sa popular na imahe ng Mangkukulam: matandang babae, naka-itim, may hawak na manika o iyong tinatawag na voodoo doll na humahagikgik sa bawat tarak ng karayom dito; bawat karayom ay nagdudulot ng matinding sakit sa kanyang biktima. Minsan nadikit din sa manika ang litrato ng kawawang biktima o hindi kaya ay nakatali sa leegan nito ang buhok na nahablot ng Mangkukulam.

Bonus din kung naalala niyo rin na kaya nilang lumipad gamit ang kanilang mga walis tuwing bilog ang buwan.

Ang Mangkukulam na ating nakagisnan kung huhungkatin ay binase ang imahe sa “witch” sa mga western folktales. Laman din madalas ng mga fairy tales ang mga ito na syang pangunahing kaaway ng pangunahing karakter.

Pero kung sasaliksikin natin ang libro ni F. Londa Jocando na Outline of Philippine Mythology, ang Mangkukulam ayon sa sinaunag mito ng mga Pilipino ay walang gamit na manika o karayom. Hindi rin ito lumilipad gamit ang walis at humahagikgik.

Base sa librong nabanggit, ang Mangkukulam ay isa sa alagad ng sinaunag diyos na si Sitan na siyang namumuno sa lugar na tinatawag na Kasanaan; ang lugar ng kung saan pinaparusahan ang mga espiritong makasalanan. Bagamat walang gamit na ano mang bagay para makapanakit, ang Mangkukulam na alagd ni Sitan ay may kakayahang magpakawala ng apoy. Sinasabi rin na kaya din nitong magpanggap bilang isang manggamot at sa ilalim ng bahay ng may sakit ay doon ito maglalagi habang nagpapasilab. Kapag namatay ang apoy nito ay mamatay rin ang may sakit sa nasabing bahay.

ANG SIRENA AT ANG LITAO

Kung sinubaybayan mo ang mga palabas sa telebisyon tulad ng Marina, Dyesebel at Diyosa, tiyak namangha ka rin sa mga nilalang na kalahating tao at kalahating isda na kung tawagin nila ay mga Sirena o Mermaid.

Ang salitang Sirena ayon kay Isabelo Delos Reyes ay galing mula sa mga Espanyol. Sa mitolohiya ng mga Griyego, ang Sirena o Siren ay hindi kalahating isda kung hindi kalahating ibon. Maari ba nating masabi kung gayun na ang konsepto ng nilalang na kalahating tao at kalahating isda ay hindi talaga orihinal na galing sa ating mga kuwentong bayan o mito? Hindi sa gayun dahil meron tayong tinatawag na mga Litao mula sa kuwento mula sa mga Ilokano.

Litao ang tawag sa nilalang na wangis ng tao na nakatira sa mga Kawayanan malapit sa ilog. Sinasabi sa kuwento na ang Litao ang siyang itinuturing na asawa ng Sirena at siya rin ang nagbigay dito ng kanyang mga pambihirang kakayahan.

Ayon muli kay De Los Reyes, nalimot ng iba ang kahalagahan ng Litao sa mga kuwento simula ng dumating sa ating bokabularyo ang salitang Sirena. Dagdag pa nito ay ang Litao ang itinuturing na anito ng karagatan at hindi ang Sirena.

Bukod pa rito ay meron din tayong mga Kataw na kayang kontrolin mismo ang tubig ng dagat at Mambubuno na tulad ng Sirena pero dalawa ang buntot na mga nilalang ding mula sa ating folklore at mito.

ANG PALAISIPAN NG PUGOT

Ano ang gagawin mo kapag sa isang madilim na gabi nakasalubong kang isang pari na walang ulo?

Hindi na bago sa atin ang kuwento ng paring hindi matahimik hanggang hindi nahahanap ng kanyang nawawala ng ulo. Madalas ang paring tinutukoy sa kwento ay isang prayle o mga paring kastila noong unang panahon na nagtalaga ng pananampalatayang Katoliko sa ating bansa.

Pugot ang tawag dito na nangangahulugan na “walang ulo” o “wala ang isang partikular na bagahi ng katawan”. Ayon kay Dean S. Fansler, ang nilalang na Pugot ay mas kilala sa Northern at Central Luzon bilang isang maitim na nilalang na may kakayahang magpalit anyo ay hugis: mula sa isang maliit na aso hanggang isang dambuhalang nilalang na hawig sa tao.

Sa mitolohiya naman mula sa Ifugao, merong silant tinatawag na Numputul na isang nilalang na walang ulo at ang leeg nito ay bumubula. Sinasabing na mas bumubuti ang pakiramdam ng Numputul kapag nilalagyan niya ng mga ahas at alupihan ang putol na leeg nito.

Gayunpaman naging mas popular ang depiksyon ng prayleng pugot na walang tigil pa rin sa paghahanap ng nawawala nitong ulo.

ANO BA ANG SINISIPSIP NG MANANANGGAL?

Sa labas ng bansa ay kilala ng kahit na sino ang mga nilalang na nabubuhay sa pamamagitan lamang paghigop ng dugo ng tao. Sila ang tinatawag natig mga bampira; mga nilalang na nabuhay muli upang maghasik ng lagim gamit ang kanilang mga pangil at kakayahang kahalintulad sa paniki.

Ilang beses na naikumpara ang bampira sa mga Mananaggal ng mula sa ating lower mythology. Gamit ang dila nilang mala-sinulid ay lumilipad ang Manananggal sa gabi at sa siwang ng bubong doon niya ibaba ang dila nito upong humigop ng dugo.

Pero ang ganitong pagsasalarawan ay mas malapit sa tinatawag na Mandurugo at hindi sa Manananggal. Base sa librong “The Creatures of Philippine Lower Mythology” ni Dr. Maxmio Ramos, ang Mananaggal ay pinaniniwalaan na humhigop hindi ng dugo ng kanyang biktima kung hindi ang plema o ang laman loob nito kaya naman kinategorya niya ito bilang isang Visceral Sucker.

Malaki rin ang kaibahan ng Manananggal sa isang bampira dahil bukod sa may kakayahang maghiwalay ang katawan nito, hindi isang nilalang na namatay at muling nabuhay ang isang Manananggal. Mas kalat din sa mga mitolohiya mula sa mga bansang galing Timog Silangang Asia ang mga nilalang na hawig sa Manananggal gaya ng Krasue sa Thailand at Penanggalan sa Malaysia kaysa sa mga kanluraning bansa.

TIKBALANG AT IBA PA

Kung ang mga Griyego ay merong Centaur, sa Pilipinas ay meron namang Tikbalang na kalahating Kabayo at tao. Marami ang nahuhumaling sa misteryo ng Tikbalang at mga kuwentong katatakutan na kaakibat ito. Sino nga ba naman ang hindi mamangha at kikilabutan kapag may nasalubong na Tikbalang sa kanyang daan?

Pero meron pang ibang nilalang sa mitolohiya ng Pilipinas na tila hinango sa Tikbalang. Andyan ang Tulung o Tuwung na hawig ng kabayo pero meron itong mahahabang mga kuko sa paa at mahabang buhok. Ang Binangunan naman ay tulad niyo pero ang buhok at buntot nito nagaapoy.

Mula din sa nakalap na kuwento ni Dr. Ramos, ang mga Tikbalang daw ay hindi umano’y kayang magbigay ng kahit anong kahilingan ng sinomang magawang makasakay dito at hindi bumitaw hanggat mapagod ito. Kabilang sa maaring ibigay ng Tikbalang ay ang iniingatan nitong mutya o siang makapangyarihang brillante o bato na nagbibigay ng kakaibang kakayahan sa nagmamay-ari nito.

ALTERNATIBONG TIYANAK

Talamak noon pa man ang kuwento patungkol sa mga nagpapa-abort ng mga babae na kinalunan ay makikitang napatay ng hindi makilalang nilalang. Marami ang nagi-ispekulasyon na ito raw ay ganit ng kaniyang nilaglag na anak na nging isang Tiyanak.

Ang Tiyanak o minsan ay Patianak ay ang espirito ng sanggol na namatay na hindi pa nabibinyagan. Sa ibang bersyon ng kuwento ay hindi lang ang sanggol kung hindi pati rin ang mismong ina na namatay sa pagsilang sa kanya ang siyang nagiging Tiyanak o Patianak na siyang nagmumulto sa iniwang asawa nito.

Kung titignan ay tila hindi orihinal na nilalang ang Tiyanak na nanggaling sa ating sariling mitolohiya lalo pa’t ang konsepto ng binyag ay dala ng mga Kastila. Kaya naman para kay Juan R. Francisco, meron pang isang mas ‘lohikal’ at lokal na bersyon ang kuwento ng Tiyanak na tila mas malapit sa atin bilang Pilipino.

Ayon sa kanya, ang Tiyanak ay isang maliiit na nilalang na gumagaya sa iyak ng isang sanggol. Gawain nito na manligaw ng mga manlalakbay sa kagubatan. Hindi matatagpuan nino man ang tamang daan palabas ng gubat hanggat hindi nito mapapatawa ang Tiyanak sa pamamagitan ng pagsusuot nito ng damit na pabaliktad.


POPULARIZATION NGA BA ANG SAGOT?

Totoong malaki ang utang na loob natin sa popular media na siyang nagbigay buhay muli sa mga kwentong naipapasa lang dati sa pamamagitan ng oral storytelling. Nagiging popular na muli ang kwento na noon sa ating mga lolo at lola lang naririnig. Dahil dito ay masasabi nating hindi pa patay ang kultura ng ating mga pabula, epiko, mitolohiya at kuwentong bayan hanggat meron mga manunulat at artist na ginagamit sila bilang isang inspirasyon. Marami rin akong kilala na hindi lang basta inspirasyon ang tingin sa ating mga makalumang kuwnto kung hindi itinuturing din nila ito bilang adbokasiya upang manatiling buhay ang ating kultura.

Sa kabilang banda ay hindi lang dapat tayo umasa lagi sa kung ano ang napapanood natin o nababsa sa popular media. Hindi sapat na matuwa o maengganyo lamang tayo sa kung paano nila inilarawang mga nilalang, mga bathala at mga bayani mula sa mga kuwento ng ating ninuno. Kung nais nating mas maunawaan ang mga ito ay marapat lang na magsmula rin tayong magbasa at magsaliksik tungkol sa kanila. Sa pamamagitan nito ay hindi lang nabubuhay muli ang mga kuwento nila kung hindi ay napagyayaman din.

Hindi lang sapat na maging popular ang mitolohiya ng ating bansa; marapat lang dapat din silang pag-aralan, unawin at higit sa lahat ay mahalin.

 

Source:

The Creatures of Philippine Mythology by Dr. Maximo D. Ramos (1990)

Outline of Philippine Mythology by F. Landa Jocano (1969)

El Folklore Filipino by Isabel delos Reyes with English Translation by Salud C. Dizon and Maria Elinora Peralta-Mison (1994)

Ad for Maximo Ramos books at Amazon. 10 volume realm of myth and reality.