Usapang Engkanto: Isang Diskusyon sa Mga Lower Mythological Creatures ng mga Kapampangan

Ang mga dumalo na participants sa Amalatan II
(Photo Credit: Dodjie Aguinaldo)

Isa ang Pampanga sa mga pinaka-progresibong probinsya na hindi pa rin nakakalimot sa mayaman nitong kultura. Kasabay ng pag-unlad nito ay ang patuloy na pagpapalagom din nito sa kasaysayan ng mga Kapampangan mula sa sinauna nitong paraan ng pagsusulat na tinatawag na Kulitan, nakakatakam na mga lutuin at maging ang mga nilalang na nagmula sa mga alamat at kwentong bayan nila.

Noong ika-26 ng Oktubre ay hindi ko pinalampas ang pagkakataon na makinig sa isang diskusyong pinamagatang “Amalatan II” (Amalat ang katumbas ng salitang ‘Alamat’ o Legend sa Kapampangan samantalang ang salitang Amalatan ay nanangangahulugan bilang isang uri o porma ng pagku-kwento o “storytelling” sa Kapampangan) patungkol sa mga nilalang mula sa ‘lower mythology’ ng kulturang Kapampangan na ginanap sa Sinupan Singsing: Center for Kapampangan Culture Heritage sa Angeles City. Dito ay lubos na lumawak ang pananaw ko ukol sa mga makukulay at nakakanilabot na nilalang na naging parte ng kultura ng Pampanga.

Samu’t-Saring Nilalang, Samuu’t-Saring Kwento

Pinangunahan ni Mr. Michael Raymon “Mike” Pangilinan ang diskusyon sa mga lower mythological beings mula sa Kapampangan Region pero ang mga kwentong kanyang nakalap ay maari ding matagpuan mula sa mga Kapampangan ng Katimugang Tarlac, Kanlurang Bulacan, Kanlurang Bulacan at Katimugang Nueva Ecija.
Si Mr. Pangilinan ang siyang itinuturing na nanguna simula pa noong dekada nobenta na isulong ang pagpapalaganap ng kulturang Kapampangan. Sa unang parte ng diskuyson ay binigyang linaw Mr.Pangilinan na maraming misconceptions sa larangan ng mitolohiya na dulot na rin ng media katulad na lamang ng depiksyon ng Nuno sa Punso sa kilala bilang maliliit na mga tao samantalang ang literal na kahulugan ng Nuno ay Ninuno o ancestors at ang Punso o Pungsu sa kapampangan ay hindi tirahan ng mga ito kung hindi ay nagsisilbi nilang libingan. Isang tradisyon ng mga magsasaka sa Pampanga na ilibing ang kanilang mga mahal sa buhay sa ilalim ng maliit na bunton ng lupa (Pungsu) sa parteng likod ng kanilang palayan na tinatawag nilang Minangun. Dito ay nagaalay sila ng bulaklak, dasal at pagkain.

Hanggang ngayon ay ginagawa pa rin ang nasabing tradisyon lalo na sa mga baryo sa Pampanga na malayo sa bayan o simbahan pero imbes na Pungsu ay inililibing na lamang sila sa tinatawag na Pantiun na kahalintulad sa mga sementadong puntod na madalas makiktasa mga sementaryo.

Karamihan sa mga nilalang na napagusapan sa diskusyon ay kabilang sa mga tinatawag na Laman Labuad na sa mga Tagalog ito ay madalas inihahalitulad sa terminong Lamang Lupa.Gayunpaman sa Kapampangan, ang salitang Labuad ay hindi lang tumutukoy sa Lupa kung hindi patungkol din ito sa salitang mundo o realm. Naniniwala ang mga Kapampangan na ang mga kaluluwa ay nanggaling sa mundo o dimensyon na tinatawag na Aliwang Labuad at ang mga patay naman ay matatagpuan sa Sumangid a Labuad.

Ang mga impormasyong ibinahagi ni Mr. Pangilinan ay mula sa mga kwentong kanyang nalipon at narinig mula sa ilang munisipalidad sa Pampanga kagaya ng Magalang kung saan siya lumaki. Katulad din pangkalahatang mitolohiya at kwentong bayan, ang mga kwento sa Pampanga ay naipapasa gamit ang Amalatan o mga tradisyunal na kwento. Mga matatanda ang siyang nagpapasa ng mga ito sa mga nakababatang miyembro ng pamilya lalo na nung mga panahong wala pang kuryente sa mga baryo gaanong telebisyon o modernong libangan ang mga tao hanggang maisalin ito sa susunod pang mga henerasyon.

Bukod sa mga Laman labuad ay ipinaliwanag din sa diskusyon ang mga nilalang sa Pampanga na napagkakamalang mga laman lupa dahilsa kakaiba at tila ‘supernatural’ na mga abilidad. Naibahagi din sa diskusyon ang mga mga hayop na madalas ding nagkakaroon ng koneksyon sa mga nilalang mula sa mitolohiya at kwentong bayan.


Itlog ng Tigbalang, Pugut, Patiank at Dalungdung ó Balé ning Banté

Kahit hindi ka masyadong palabasa ng mga mitolohiya at kwentong bayan ay tiyak na pamilyar sa marami ang mga nilalang na tulad ng Tikbalang, Kapre at Nuno sa Punso. Madalas silang laman ng mga kwentong kababalaghan o misteryoso lalo na sa mga tiga-probinsya. Sa kabila ng pamilyar na deskripsyon, nagkakaroon minsan ng pagkakaiba-iba ang mga nilalang na ito base sa kuwentong pinangalingan.

Ang mga Nuno sa Punso ay nakikla sa depiksyon ng popular media bilang mga nilalang na maliliit at mukhang matanda na makikita sa mga punso o anthill na siyang tirahin ng mga Anay o Langgam.
Gayunpaman, kung pagbabasehan ang salitang ‘Nuno”, masasabing ang tinutukoy dito ay hindi naman talaga mga maliliit na nilalang kung hindi ay tumutukoy sa mga matatandang ‘ninuno’ o ancestors. May mga practices dati sa Pampanga na ang mga namatay madalas inililibing na agad matapos silang bawian ng buhay at hindi na naantay pa ang basbas mula sa mga pari lalo’t malayo minsan ang lugar nila. Sa makalumang paniniwalang espiritwal ng mga Kapampangan, ang mga patay ay magiging mga Anitu (o mas kilala sa popular na katawagan na “multu”) na kung saan nanatili pa rin ang kanilang personalidad, alaala at imahe ng kanilang pagkatao ng sila ay nabubuhay pa. Sinasabing ang mga Anitu ay may kakayahang manakit at maghiganti sa kanilang mga kaaway. Pero pagkalipas ng 49 na araw, ang Anitu ay magiging isang “Nunu” o ancestral spirits na siyang pumoprotekta sa linya ng kanilang lipi.

May paniniwala din na ang magsasaka sa Pampanga dati na ang kanilang mga palayan at binabantayan din ng mga espirito na nakatira sa nakatirik na maliit na bahay na walang pader na kung tawagin nila ay Dalungdung na itinatayo sa tuwing magsisimula ang panahon ng pagtatanim upang magsilbing Bale Ning Bante o Bahay ng Tigapangalaga (house of the guardian). Ang pagtatayo ng Dalungdung ay parte ng isang ritwal na tinatawag na Paraya o Blood Offering.Pagkatapos umani, ang ritwal na Lasak Dalungdung ay ginagawa upang pasalamatan ang tigapangalaga ng kanilang bukirin. Dito ay inaalay nila ang unang ani kasama ang ilang baboy at manok. Kasabay nito ay susunugin din ang maliit na bahay habang ang mga magsakaka ay nagsasayawan at nagsasaya sa paligid nito

May malaking pagkakaiba ang Tikbalang sa Tigbalang (na nangangahulugan na “ang lumulukso” o “one who leaps” mula sa salitang ugat nito na ‘Balang’ na nangangahulugan sa Kapampangan na “lumukso”) ng Kapampangan kung saan ito ay hawig sa ibon at nangingitlog. Meron itong mahabang buhok na animo’y balahibo ng ibon, mahaba ang mukha at may tuka. Kapag ito ay nakaupo ay mas mataas ang mga tuhod nito kaysa sa kanyang ulo.

Ang Tigbalang ay may kakayahang lumukso ng napakalayo na tila ba ito ay lumilipad. Sinasabi rin na may kakayahan itong maglakbay sa kabilang mundo ng mga kaluluawa (Kaladdua) o tinatawag ding Sumangid a Labuad. Ang sino mang makakuha ng buhok nito ay magkakaroon ng kakayahang tawagin ito kahit anong oras gustuhin upang masakyan at dalhin ka sa kahit saang lugar.

May isang sakit na kilala sa lugar ng Magalang sa tawag na Metigbalang na nakukuha ng mga bata kapag nakipagkaibigan sila sa isang Tigbalang at dinala sila sa ibang mundo. Pagbalik nila sa mundong ito ay mapapansin na ang mga bata na ito ay nagiging malungkutin; ayaw ng makipaglaro at kumain na kapag nagtagal ay maari nilang ikamatay. Ang nasabing pagbabago ng kanilang ugali ay dahil sa labis nilang pagkahumaling sa nakitang mundo na mas gusto na lang nilang manatili doon kaysa sa kanilang sariling mundo.

Ang mga Patianak ay hindi katulad sa mga Tiyanak sa horror story na ating napapanood na kung saan sila ay mga halimaw na sanggol. Sa Kapampangan,ang Patianak ay mga nilalang na hawig sa mga tao pero mas maliit pa sila sa isang talampakan at nakasuot ng mga lumang kasuotan. Sila ay nananahan sa mga kagubatan o sa mga puno. Nahahati sa dalawang lahi ang mga Patianak: ang mga Maputi at Matuling.

Mabubuti at matulungin ang mga Maputing Patianak na ang tanging nais sa mga tao ay huwag nilang putulin ang puno ng nagsisilbi nilang tahanan. Mayroon silang patulis na tenga, makinis na balat at ang katawan nila ay tila naglalabas ng puting liwanag kaya natawag silang Maputi. Mas gusto ng mga Maputing Patianak na isagawan sila ng Daun; isa itong uri ng pag-alay na naiiba sa Paraya na kailangan ang dugo.

Ang mga Matuling na Patianak ay mahilig sa mga labanan at may angking pagkauhaw sa dugo at laman ng hayop. Sila ang kabaligtaran ng mga Maputing Tianak dahil sila naman ay naglalabas ng maitim na liwanag. Mayroon silang mga sungay, matutulis na kuko at pangil at nakasuot ng baluti. Galit ang mga Matuling na Patianak sa mga tao na sumisira sa kagubatan na kanilang tirahan at madalas silang maghiganti sa mga tao na pumutol ng punong kanilang tinitirahan. Mas gusto naman nila ang Paraya o blood offering tulad ng puting tandang upang ihinto nila ang padudulot kapahamakan sa mga tao.

Panghuli ay ang Pugut pero hindi ito tumutukoy sa mga paring walang ulo kung hindi sa isang higanteng tao na tila kahawig sa isang Kapre pero wala itong sigarilyo. Ang Pugot sa Kapampangan ay inilalarawan bilang maitim na higante na may mahabang buhok, nanlilisik na mata, matutulis na kuko at ngipin. Nakasuot ito ng Pinang o loin cloth at dala-dala ang isang Patawan o club bilang sandata. Tulad ng kapre ay nananahan ito madalas sa tuktok ng mga puno pero kinalaunan ay nanahan din sila sa mga bubong ng malalaking bahay, simbahan at poste ng kuryente.

Si Mr. Michael Raymon “Mike” Pangilinan ang nanguna sa diskusyon patungkol sa mga mythological creatures ng Pampanga (Image Credit: Dodjie Aguinaldo)

Nilalang Na May Hindi Maipaliwanag na Kakayahan

Sa usaping ‘supernatural’ madalas na napagkakamalan na maysa-engkanto o maligno ang isang nilalang o tao kapag hindi ito kayang ipaliwanag nino man. Ang iba naman ay itinuturing sila bilang banal o holy individuals sa taglay nilang milagrosong kakayahan na maihahalintulad sa mga salamangkero.

Kabilang sa mga ito ang tinatawag sa Pampanga na “Manawas” o iyong mga tao na may kakayahang malaman ang sakit ng isang tao gamit ang Kandila o hindi kaya sa pamamagitan ng dibinasyon gamit ang hugis ng pula ng itlog. Ayon kay Mr. Pangilinan, dati talagang Tawas o Alum ang gamit ng mga Manawas sa pag-diagnose ng sakit. Dito ay isinasalang nila sa apoy ng kandila ang isang buong tawas. Base sa magiging hugis at anyo nito matapos madarang sa apoy ay doon malalaman ang sakit ng kanyang pasyente.

Kung ang Manawas ang siyang bahala sa diagnosis, ang Mamaluyan at Tulun o Katulunan ang siya namang may kakayahan upang magpagaling ng mga sakit na kung minsan ay galing sa mga Laman Lubuad na hindi sinasdyang nasagi ng kanilang pasyente. Ang mga Mamaluyan ay parang Babaylan o sinaunang shaman noong unang panahon sa Pilipinas; sila ay mga babae na may kakayahang na magpasapi sa mga mga espirito tulad ng Nunu (ancestral spirit), Anitu (kaluluawa ng mga patay) o kahit mga Laman Labuad na maaring makatulong sa pagpapagaling ng pasyente sa pamamagitan ng ritwal na Pamanulu.Ang ritwal na ito ay isinasagawa ng tatlong babae; ang isa ay siyang sasapian ng espiritu, ang isa naman ang makikipagusap at ang isa ang siyang tumutugtog ng instrumento.

Sa pagdating ng Katolisismo sa bayan ng Pampanga, ang mga espiritu na ito ay kinalaunan ay naging mga santo at santa.

Ang mga Tulun o Katulunan naman ay mga kalalakihan na may kakayahang pakinggan ang mga sinasabing ‘bulong’ ng mga espiritu o hindi kaya ay magkaroon ng mga ‘visions’ na makakatulong sa pagbigay lunas sa kanilang mga pasyente.

May paliwanag din si Mr.Pangilinan ukol sa nilalang na tinatawag na Tiktik na isang nilalang na madalas ay nagmamatiyag sa bubong ng mga bahay at abangan ang kanilang biktima. Ang kwento ng tiktik ay nahaluan ng katatakutan pero kung titignan muli ang kahulugan ng salitang tiktik, ito raw ay tumutukoy sa mga taong pinapadala dati sa mga lugar upang magmatiyag at magbantay sa galaw ng mga kalaban o mga espiya (kaya madalas ding marining ang salitang “natiktikan” na tumutukoy sa mga taong nasundan o namatiyagan).

Itinuturing naman na isang ‘assassin’ ang Manlilingu na pinapatay ang kanilang biktima gamit ang isang sinulid na kung saan mula sa siwang ng bubong ay kanilang ibinababa ito at doon pinapadaloy ang mga patak ng lason patungo sa bibig na kanilang tulog na biktima. Marami ang naniniwala na ang Manlilingu ay hindi umano’y isang halimaw na pumapatay gamit ang mahaba nitong dila na humuhigop sa buhay ng kaniyang biktima.

Ang Ustuang naman ay sinasabing may kakayanag magpasilab at madalas nag-oobserba ng kanyang biktima sa ilalim ng mga bahay dati. Pinaniniwalaang isang Laman Labuad ang Ustuang pero ang totoo sila ay mga arsonista na ginagamit ng isang baryo upang makapangwasak ng kaaway nilang baryo.

Meron ring mga interesanteng kuwento sa Pampanga tungkol sa mga taong hindi umano’y may kakayahan na maging usok at mawala na lang na parang bula o yung tinawag nilang Uple. Kinatatakutan sila sa kanilang kakayahang ito at maraming ang naniniwala na sila ay mga imortal dahil hindi sila maaring masaktan sa tuwing magaanyo silang usok.

Iba Pang Nilalang na Kagila-gilalas

Bukod sa mga naunang nabanggit ay marami pang mga kakaibang nilalang ang bumusog sa imahinasyon ng mga Kapampangan noong unang panahon. Andiyan ang tinatawag na Kularyut na inihalintulad ng mga Kastila sa Duwende pero sa paniniwala ng mga tiga-Magalang, ang Kularyut o Kulariut ay kalahating tao sa itaas na bahagi ng kanyang katawan at kalahating halimaw sa ibabang parte ng kanyang katawan.

Kaya nitong mag-anyo bilang tao na may angking kisig pero kapag ito ay nagalit ay maaring ipakita nito ang kanyang totoong anyo na isang nilalang na may matatalas na kuko at ngipin, matulis na tenga at nanlilisik na mata. Naglalabas din ito sa kanyang katawan ng mala-apoy na kulay pula. Kakatuwa ito dahil kinatatakutan mismo ng Kulariut ang kulay na pula.

Kilala rin ang mga ito na mabagsik sa pakikipaglaban at maraming mga mandirigma ang humihingi sa kanila ng tulong dahil sa kanilang pagnanasa na lumaban at pumatay. Gamit nila sa kanilang pakikipaglaban ang isang sandata na hawig sa karit na ang tawag din ay Kulariut.

May kakayahan din ang Kulariut na magbago ng anyo at laki: maari silang maging kasing laki ng bahay o kasing liit ng langgam. Nananahan sila madalas sa mga Kawayanan at kilala rin sila na mahilig mang-akit ng mga dalaga at maging ang may asawa na madalas nagiging rason ng sigalot sa mga pamilya.

Mangkukutud naman ay katulad ng sa Manananggal pero imbes na kalahati ng katawan ang lulutang at hihiwalay ang ulo namansa Mangkukutud. Ito ay aking napansin na kahambing ng Krasue sa Thailand na mga nilalang na kayang humiwalay ang ulo sa katawan at maghanap ng mabibiktima. Kasama rin na nabanggit sa diskusyon ay ang Asung Kukupak o yung mga galang aso na kayang magbagong anyo na parang tao. Sa kuwento ni Mr. Pangilinan ay may dalawang bersyon ang kwento ng Asung Kukupak; ang isa ay tao na nagaanyong malakig aso tuwng kabilugan ng buwan at ang pangalawa ay ang mga Asung Kukupak ay gumagala sa tuwing kabilugan ng buwan upang hanapin ang mga kaluluwa na ibabalik sa mundo ng mga patay o sa Sumangid Labuad at ang Balikwit o nilalang na may dalawang mukha.

Kahit ang mga normal na hayop kung minsan ay nagkakaroon din ng koneksyon sa mga kagia-gilalas na kwento sa Pampanga katulad ng Balawe o Hawk sa kuwento mula Magalang na sinasabi sa mga kuwento na may dating paniniwala na ang isang taong ganid kapag nagtagal ay magiibang-anyo at magiging isang Balawe kung hindi nito titigilan ang pagiging ganid. Tutubuan ito ng pakpak at mga kuko at magsisimulang lumipad palibot sa Bunduk Alaya para kainin ang mga makukult na bata.

Ang mga Alitaptap naman ay hindi lang basta nagdadala ng ilaw sa gabi kung hindi itinuturingdin sila na mga kaluluwa ng mga patay. Sa tuwing lilipad ang mga ito ng magkakasama, sinasabing malapit lang sa tabi ang mga kaluluwa ng mga patay. Nangyayari ito sa tuwing “malamlam ya ing uran” o kapag ang patak ng ulan ay mabagal at nagdudulot ng alimuom.


Ang Mitolohiya Sa Mata ng Popular Media

Nakatutuwang isipan na kahit luma na ang mga kwento tungkol sa Nuno at Aswang ay masasabi ko pa rin na patuloy pa rin silang nagiging relevant sa tulong ng popular media. Hindi pa rin nawawala ang pelikula o palabas sa telebisyon na patungkol sa mga ganitong uri ng nilalang na bahagi na rin ng ating kultura. Patuloy pa rin ang ibang mga manunulat sa paggawa ng mga istory na kung saan binibigyang pansin ang mga nilalang na dati ay maririnig lang natin sa mga matatanda. Gayunpaman ay may kaakibat na hamon ang pagiging bahagi ng ating mga mitolohikal na nilalang sa popular media.

Bigla akong napaisip ng marinig ko mula kay Mr. Pangilinan ang katagang “popular media didn’t help” kung tutuusin dahil naiiba ang depiksyon o paglalarawan ng media sa kung ano nga ba talaga ang totoong itsura at katangian ng mga nilalang sa ating mitolohiya tulad na lamang ng kwento tungkol kay Apo Sinukuan ng siyang sinaunag diyos ng Pampanga na kung saan kinalaunan ay naging Mariang Sinukuan. Gayundin sa mangkukulam na kung saan ang depiksyon nito sa media ay itinulad sa ‘witch’ mula sa kanluraning paniniwala na gumagamit ng mga manika at karayom samantalang sa aking pagsisiyasat ay ang Mangkukulam sa unang paniniwala ng mga unang Pilipino ay isang alagad ng diyos na si Sitan na siyang tigapangalaga ng mga kaluluwa sa Kasanaanan. Base ito sa nalipol na impormasyon ng misyonerong si Juan De Plasencia na kung saan inilarawan niya ang Mangkukulam bilang isang lalake na kayang magpakawala ng apoy. Wala ditong nabanggit na patungkol sa karayom o manika.

Nakakalungkot ding isipan na ang mga tradisyunal na story-telling tulad ng Amalatan ay nanganganib buhat ng dumating ang popular media gaya ng telebisyon at ngayon pati na rin ang internett. Ang dating mga kwento mula sa mga matatanda ay unti-unting nababago dahil na rin sa depiksyon ng popular media na kung minsan ay nahahaluhan ng maka-kanluraning ideya at kakulangan sa pananaliksik. Sa kasamaang palad ay dahil mas accessible and popular media, mas madalas na nakadepende na dito ang bagong henerasyon

Gayunpaman, naniniwala ako ng malaki ang maitutulong ng popular media upang mahikayat lalo ang mga kabataan upang matutunan pa rin nila ang mga kwento ay mito ng ating bansa na dati ay isinasalin-salin lang sa pamamagitan ng oral tradition. Pero hindi lang dapat magtapos ang lahat dito, bagkus ay dapat samahan nila ito ng kuryosidad na magsimulang magsaliksik upang mas maunawaan nila ng lubos ang kulturang kinabibilangan nila.

(Ang Amalatan ay isang serye ng mga diskusyon at story telling practice na patuloy na binubuhay ni Mr. Pangilinan tungkol sa mga mito at kwentong bayan mula sa Pampanga at ilang mga bayan na merong komunidad ng mga Kapampangan tulad ng sa Tarlac, Bataan, Bulacan at Nueva Ecija. Ginaganap ito madalas sa Sinupan Singsing: Center for Kapampangan Culture Heritage tuwing huling Sabado ng bawat buwan at ang gamit na lengwahe dito ay ang Kapampangan language. Maaring bisitahin ang FB page ng Sinupan Singsing para sa kanilang schedule at announcement.)

The author of this article would like to give his deepest gratitude and apology to Mr. Pangilinan for helping him clarifying him many details and information about the Amalatan II discussion.

 

ALSO READ: Formation of the World | Kapampangan Mythology

Ad for Maximo Ramos books at Amazon. 10 volume realm of myth and reality.